Nasawi ang 40-anyos na Public Information Officer (PIO) ng Zamboanga del Sur provincial government matapos na barilin ng kaniyang kainuman.
Sa ulat ni Efren Yunting Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing nangyari ang krimen noong Huwebes ng gabi sa compound ng isang beach resort sa Barangay Ambulon, Vincenzo Sagun.
Kinilala ang biktima na si Jesreel Gaspar Himang, na nagtamo ng apat na tama ng bala sa katawan.
Isang 24-anyos na babae rin ang sugatan, habang nadakip naman ang suspek na 29-anyos, na mula sa Midsalip, Zamboanga del Sur.
“Hindi pa siya nakaalis doon sa pinangyarihan ng insidente, nandoon pa siya within the vicinity. Actually, ito yung effect sa simulation exercise na ginagawa ng region. Isa sa nagpapatunay na kaya nating ma-attain yung five-minute response time na si-net ng ating chief PNP,” ayon kay Police Regional Office-Zamboanga (PRO-9) Spokesperson, Major Shellamie Chang.
Sinabi ni Chang na nag-inuman ang suspek at biktima hanggang sa nagkaroon sila ng mainit na pagtatamo na humantong sa pamamaril.
“So nung medyo siguro nakainom na, nagtalo sila. Sa middle ng pagtatalo nila, yun nga bumunot ng baril yung subject natin, binaril ng apat na beses yung ating biktima,” dagdag pa ni Chang.
Nagpahayag naman ng pakikiramay ang Provincial Government ng Zamboanga del Sur sa mga naulila ni Himang, na inilarawan na may dedikasyon sa kaniyang trabaho.-- FRJ, GMA Integrated News
