Tatlong menor de edad na babae ang nalunod nang tangayin sila ng tubig nang lumusong sa binahang spillway ang sinasakyan nilang motorsiklo na minamaneho ng kanilang ama-amahan sa Bukidnon.
Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing nangyari ang trahediya sa Bubunawan River sa Barangay Capihan sa bayan ng Libona.
Ayon sa awtoridad, edad anim, walo at 12 ang nasawing magkakapatid.
Kasama rin ng mga biktima sa motorsiklo ang kanilang ina. Nakaligtas ang ginang, pati na ang stepfather ng mga bata.
Ikinuwento ng ilang saksi, nawalan ng preno ang motorsiklo kaya nagtuloy-tuloy sa binahang spillway.
“Katong driver ilang ama-ama, iyang gi-segunda ang motor arun mohinay ang dagan, dayon, medyo kusog-kusog pa man daw, iya napud gi-primera wala siya kabantay nga sa iyang kataranta kay tulo ka bata ug isa ka inahan iyang karga lima sila tanan iyang giligwatan na, na-neutral man na niya unya dili na niya mabalik og primera… wala na napugngan sa driver naabot gyud sila didto sa baha,” ayon sa saksi na si Rey Almers Sevillano.
Nakalangoy ang ina at ama-amahan, habang tuluyang tinangay ng malakas na agos ng tubig ang tatlong bata.
Unang nakita ang katawan ng 12-anyos na babae na nadala pa sa ospital pero hindi na umabot ng buhay.
Magkasunod naman nakita ang dalawa pang magkapatid sa sumunod na araw nitong Lunes.--FRJ, GMA Integrated News