Nasa kritikal na kondisyon ang isang lalaki matapos siyang matuklaw ng cobra sa Lake Sebu, South Cotabato.Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, sinabing isinalaysay ng kaanak ng biktima na hindi napansin ng lalaki at ng kaniyang pamangkin na may nakapasok na ahas sa kanilang tahanan.Unang inatake ng cobra ang menor de edad na pamangkin kaya siya humingi ng saklolo sa kaniyang tiyuhin. Hinahanap ng tiyuhin ang ahas nang tuklawin umano siya nito sa binti.Isinugod ang lalaki sa ospital at kasalukyang nasa Intensive Care Unit o ICU.Nasa maayos nang kondisyon ang mas batang biktima nang turukan ng anti-venom.Napatay naman ng mga residente ang cobra.Samantala, isa ring cobra ang nahuli sa isang residential area sa Barangay Magalalag West sa Enrile, Cagayan.Nakuha ang ahas ng Municipal and Community Environment and Natural Resources Office pati ang nasa 50 itlog nito.Batay sa mga awtoridad, nakapatay umano ng ilang aso sa lugar ang ahas kaya ito ipinagbigay-alam sa kanila ng mga residente.Nai-turnover na sa isang wildlife center sa Tuguegarao City ang ahas para sa tamang disposisyon. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News