Nasawi ang isang 22-anyos na babae habang dalawa ang sugatan nang masalpok at magulungan ng isang truck ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Rodriguez, Rizal. Ang mga biktima, hindi hinintuan ng truck driver pero nadakip din kinalaunan.Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV News Balitanghali nitong Martes, sinabing naaresto at ikinulong ang 50-anyos na truck driver matapos niyang takasan ang kaniyang mga biktima.Isa sa tatlong sakay ng motorsiklo ang nasawing babae, samantalang nagkabali naman sa iba't ibang parte ng katawan ang rider at live-in partner ng nasawi.Nagtamo rin ng sugat ang babaeng kaibigan ng mag-live-in partner.Sinabi ng pulisya na ihahatid lang sana ng mag-live-in partner ang kanilang kaibigan sa Rodriguez nang maganap ang aksidente sa kahabaan ng A. Mabini Street sa Barangay Burgos."Nakasabay nga itong motor na tatlo ang pasahero kung saan ay nasagi ito ng malaking truck. At hindi napansin nitong truck, nagdire-diretso lang ito, hit-and-run ito. Iniwanan lang niya, hindi nito [sinilip] na grabe pala 'yung babae kasi tumaob sila. Tumalsik 'yung motor,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Paul Macasa Sabulao, hepe ng Rodriguez Police.Batay sa impormasyon mula sa isang saksi sa aksidente, nadakip ang tumakas na truck driver.“May nagsumbong doon sa kamag-anakan na 'yung truck na involved doon sa hit-and-run nasa may Barangay Manggahan. Hindi naman na nag-resist ‘yung suspek,” sabi ni Sabulao.Sinabi ng truck driver na pabalik na siya sa Barangay Manggahan makaraang mag-deliver ng graba sa Cavite, nang mag-overtake umano sa kaniya ang nakamotorsiklo.“Umovertake po 'yung sa kanan ko. Eh dahil nga po malaki 'yung truck, hindi ko kaagad napansin. 'Yung single po 'yan na umovertake sa tagiliran ko. Eh nu'ng pagtingin ko lang sa side mirror ko, nakita ko lang na nabuwal na kaya umiwas ako. Bale dalawa lang po nakita ko. 'Yung isa pala nakapasok na sa truck,” sabi ng truck driver.Ipinaliwanag din niya na nabigla siya kaya hindi niya hinintuan ang mga biktima.“Nabigla lang din po ako dahil first time ko lang po kasi na nagka-encounter po ng ganu’n. Humihingi ako sa kanila na hindi ko naman sinasadya, hindi naman namin kagustuhan ‘yun,” ayon sa driver.Sasampahan ang suspek ng mga reklamong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injury, damage to property and abandonment of one's own victims.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News