Sugatan ang isang rider at dalawa niyang angkas matapos sumemplang ang kanilang motorsiklo nang masalpok nito ang isang asong-gala sa Zamboanga City.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nagkasugat sa mukha ang 44-anyos na rider habang sa mga tuhod at braso naman ang tinamong mga sugat ng kaniyang dalawang pamangkin na angkas niya.

Batay sa imbestigasyon, bigla na lamang tumawid ang aso kaya ito nasalpok ng motorsiklo sa Barangay Tumaga.

Buhay ang aso, na agad tumakbo palayo. – Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News