Nahulicam ang panggugulo ng isang umano'y lasing na pulis sa harap ng isang tindahan sa Lucena City, Quezon, na kung saan ilang beses siyang nagbanta at nagpaputok ng baril.

Ayon sa ulat ni Jamie Santos sa 24 Oras Weekend, nangyari ang insidente noon alas dos ng madaling araw ng Sabado. Nakunan ng CCTV na nagsisigaw ang lalaki sa labas ng tindahan; tila may hinahanap siya. "Asan yung kasama mo?" ang demanda niya sa mga tao sa loob ng tindahan habang tinututukan sila ng baril.

Ilang beses din siyang nagbanta na papatayin ang kausap. "Alam mo naka-load na itong baril ko?" sabi niya habang pinapasok ang kanyang kamay na may hawak na baril sa bintana ng tindahan, hanggang sa paputukin niya ang ang baril.

Kinandado naman ng mga nasa loob ang grill ng tindahan nang lumayo ang lalaki.

Base sa imbestigasyon, kinilala ang suspek bilang si Patrolman Rodolfo Avila Madlang-awa, pulis na nakadestino sa Lopez, Quezon.

Lasing daw ito at bumibili ng yelo noong una, pero isang lalaki raw ang dumating para bumili ng sigarilyo at biglang tinutukan ng baril ng pulis. Dalawa pang kustomer ang dumating at pinagbantaan din sila ng pulis, kaya pinapasok sila ng may-ari ng tindahan sa loob.

Isinuko ang pulis ng kangyang kapatid sa presinto. Nakapiit siya ngayon sa Lucena Custodial Facility.

Ayon sa pahayag ng Quezon Police Provincial Office, naganap ang insidente sa Barangay Ibabang Dupay. 

"Sisiguraduhin ko po bilang inyong provincial director na siya ay mapaparusahan at tuluyang matatanggal sa serbisyo bilang pulis," saad ni Quezon Police Provincial Office Acting Provincial Director Police Colonel Romulo Albacea.

Sa hiwalay na pahayag, kinondena ng PNP Calabarzon Regional Office ang insidente. "Nais kong ipabatid sa lahat na walang sinuman ang higit sa batas, anumang ranggo o katungkulan," ani PRO Calabarzon Regional Director Police Brigadier General Jack Wanky.

"Kaugnay nito ay sasampahan ang naturang suspek ng mga kasong Grave Threats, Unjust Vexation, Physical Injury at Illegal Discharge of Firearms, gayundin ay sasampahan natin sya ng kasong Administratibo, 'Conduct Unbecoming of a Police Officer' at sisiguraduhin natin na siya ay matatanggal sa serbisyo," dagdag niya. — BM, GMA Integrated News