Nasawi ang isang 65-anyos na ama matapos siyang pagtatagain ng kaniyang panganay na anak sa Cebu City. Ang hinihinalang ugat ng krimen, ang pagsermon ng ama sa 40-anyos na suspek dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga at pagnanakaw.

Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, sinabing nangyari ang krimen sa bahay ng mag-ama sa Barangay Sudlon 1, noong Huwebes.

Ayon sa pulisya, paralisado na ang biktima na nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang parte ng katawan at ulo.

Tumakas ang suspek matapos na gawin ang krimen, pero nadakip din siya sa mga awtoridad sa hot pursuit operation.

Sinabi ng ina ng suspek, na wala siya sa bahay nang mangyari ang krimen. Pero posible umano na siya man ay maaaring namatay kung nasa bahay siya dahil silang dalawa ng kaniyang asawa ang pinagbantaan ng kanilang anak.

Idinagdag ng ginang na nagpapakita umano ng kakaibang ugali ang kanilang anak.

Ayon kay Police Captain Wilmer Castillo, hepe ng Malubog Police Station 12, sangkot sa ilegal na droga ang suspek. Pinagalitan umano ng biktima ang suspek dahil nasangkot ito at inirereklamo ng pagnanakaw ng kanilang lugar.   

Inamit naman ng nakadetineng suspek ang krimen. Inakala umano niya na aatakihin siya ng ama kaya niya ito napatay.

Desidido naman ang ginang na kasuhan ang kaniyang anak.—FRJ, GMA Integrated News