Dahil sa kagustuhan na protektahan ang kapatid niyang babae, umuwi ang isang lalaki sa Mangaldan, Pangasinan mula sa Maynila para kausapin ang kaniyang bayaw na nananakit umano ng asawa. Pero ang lalaki, hindi rin nakaligtas sa karahasan ng kaniyang bayaw matapos siyang saksakin.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Herohito Sungcuan, 70-anyos, na nagtamo ng saksak sa tiyan, at dinala sa ospital.

Umuwi umano ng Mangaldan ang biktima para kausapin ang bayaw dahil sa ginagawa umanong pananakit sa kaniyang kapatid na babae sa tuwing nalalasing.

Ang pananakit umano ng suspek sa kaniyang misis, nakikita ng iba pa nilang kapatid.

Matapos na mapagsabihan umano ng biktima ang kaniyang bayaw, nalasing umano ang suspek at doon na sinasaksak sa tiyan si Sungcuan, na dinala sa ospital at kailangang operahan.

“Nagpapasalamat ako sa kuya ko kasi talagang mahal niya ako. Siya ang panganay namin, para na namin siyang tatay. Ang gusto ko lang, gumaling siya,” ayon sa kapatid na babae.

Ayon sa isa pang kapatid ng biktima, hindi nila inakala na sasaktan din ng suspek ang kanilang kuya.

“Nalasing na naman siya tapos akala namin hindi niya gagawin ‘to, parang lumala yata. Tapos nagbabanta siya na ako ang isusunod niya,” saad ng isa pang kapatid na babae.

Sumuko naman ang pulisya ang suspek na mahaharap sa kasong frustrated homicide, ayon sa pulisya.

Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek pero nagsisisi raw ito sa kaniyang nagawa, at humingi ng patawad sa kaniyang asawa at sa kaniyang bayaw.—FRJ, GMA Integrated News