Nasawi ang isang sanggol na walong-buwang-gulang nang tumaob ang sinasakyang tricycle na tinamaan ng isang sumemplang na motorsiklo na menor de edad ang rider sa Dumangas, Iloilo.
Sa ulat ni Julius Belaca-ol sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Martes, sinabing nangyari ang nahuli-cam na insidente sa Barangay Sulangan nitong Lunes ng umaga.
Makikita sa video footage ang pagdausdos ng motorsiklo at napunta sa kabilang linya ng kalsada. Nagkataong paparating naman ang tricycle na may anim na sakay, kabilang ang sanggol.
Sa lakas ng banggaan, bumaliktad ang tricycle at tumilapon ang ilang sakay nito, at hindi nakaligtas ang sanggol na isang lalaki.
Sugatan din ang 15-anyos na rider ng motorsiklo na walang lisensiya at wala ring naipakitang dokumento ng motorsiklo.
Dahil sa nangyari, nais ng pamilya ng sanggol na papanagutin ang menor de edad na rider.
Ipatatawag naman ng Land Transportation Office- Region VI, ang may-ari ng motorsiklo upang pagpaliwanagin kung bakit pinayagan ang menor de edad na magmaneho. – FRJ/KG, GMA Integrated News
