Nasawi ang isang 19-anyos na babae na tumangging makipagbalikan matapos siyang saksakin ng dati niyang kinakasama sa Cebu City.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nakahingi pa ng saklolo ang biktima sa mga kapitbahay dahilan para dumating ang mga rescuer.

Sa kasawiang palad, hindi na siya umabot nang buhay sa ospital.

Batay sa mga awtoridad, posibleng nagmula ang krimen nang tumangging makipagbalikan ang biktima.

Bago nito, nakipaghiwalay ang biktima dahil sinasaktan umano siya ng suspek.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang pamilya ng biktima.

Patuloy naman ang pagtugis sa 22-anyos na suspek makalipas ang krimen. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News