Nahuli-cam ang suntukan ng isang TNVS driver at motorcycle rider sa kalsada dahil umano sa gitgitan sa Marikina City. Ang rider, nahulihan ng baril.

Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV News Balitanghali nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Uno noong Huwebes.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na sinusubukan ng 45-anyos na rider na mag-overtake sa 30-anyos na driver pero hindi siya pinagbigyan.

Hanggang sa maghabulan ang dalawa at sinipa umano ng rider ang kotse, na humantong sa habulan, komprontasyon, at suntukan.

Nakita rin sa CCTV camera na akmang may bubunutin ang rider sa dala niyang sling bag.

Inaresto ang rider na isa palang security guard at nakita sa bag niya ang isang kalibre .38 na may baril.

Aminado ang rider na balak niyang takutin ang driver sa dala niyang baril. Pero itinanggi niyang nakainom siya.

Iginiit din ng rider na ang driver ang nagsimula ng away dahil ayaw siyang pasingitin.

Mahaharap sa patong-patong na reklamo ang rider. – FRJ, GMA Integrated News