Bangkay na nang matagpuan at may sugat sa ulo ang isang 13-anyos na binatilyo na naligo sa isang sapa matapos siyang malunod sa Jaro District, Iloilo City.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood ang isang video na masaya pang naliligo ang biktima kasama ang mga kaibigan noong Linggo.
Nagpaiwan ang binatilyo, ngunit bigo siyang makauwi. Martes na nang natagpuan ang kaniyang mga labi.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.
Sa Molo District naman, patuloy ang paghahanap sa isang lalaking nalunod sa ilog sa Barangay Molo Boulevard.
Nangunguha umano ng mga shell noon ang 25-anyos na lalaki nang tangayin siya ng tubig.
May kasama siya noong isang pinsan, pero hindi rin ito marunong lumangoy.
Sa dagat naman nalunod ang isang 20-anyos na lalaki sa Villanueva, Misamis Oriental.
Nagpunta pa mula Bukidnon ang lalaki at kaniyang mga kasama, at nakiusap sa pamunuan ng resort kung puwede silang mag-overnight.
Nagawa pang hawakan ng lifeguard ang lalaki, ngunit hindi na kinaya pang hilahin dahil sa laki ng mga alon.
Palutang-lutang na nang makita ang lalaki na wala nang buhay. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
