Pinangangambahan ng mga awtoridad sa Lubao, Pampanga ang matinding pagbaha kapag nagpatuloy pa ang pag-ulan bunga ng pagkasira ng bahagi ng dike sa kalapit na Sto. Cristo Dam.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing pinalikas na ang nakatira sa isang bahay na nasa harapan ng nasirang dike.
Ayon sa residenteng si Maribel Lozano, nagsimulang bumigay ang bahagi ng dike noong Linggo. Pagsapit ng Martes, mas malaking bahagi na ang unti-unting kinakain ng tubig.
Walang retaining wall sa naturang bahagi ng dike kung saan dumadaan ang mga truck na gumagawa sa dam. Hindi rin umubra ang mga sandbags na inilagay sa gilid ng nauukang dike dahil tinatangay ng tubig ang mga ito.
Nangangamba ang kapitan ng barangay Rita na si Teddy Santos, na maaapektuhan ang mahigit 30,000 pamilya sa kanilang lugar ng matinding pagbaha kapag tuluyang nawasak ang dike.
Madadamay din umano ang mga barangay ng San Miguel, San Vicente, San Nicholas First, San Nicholas Second, at Jaza Road, ayon kay Santos.
Inatasan ng Pampanga provincial government ang mga tauhan ng lokal na sangay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na dagdagan pa ang paglalagay ng sandbags, mga bato at lupa para hindi tuluyang mawasak ang dike.
Bagaman nabawasan na ngayon ang lakas ng ragasa ng tubig mula sa dam, nananatili pa rin ang peligro hanggang hindi tuluyang gumaganda ang panahon. – FRJ GMA Integrated News
