Iniligtas ang dalawang babae matapos silang ma-trap at matabunan ng putik nang magkaroon ng landslide sa kanilang lugar sa Baguio City. Apat na bahay din ang apektado.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Balitanghali nitong Biyernes, sinabing rumagasa ang tubig sa mga kabahayan sa Purok 2 Outlook Drive ng 6 a.m. matapos ang magdamagang ulan.
Isa sa mga apektadong bahay ang tuluyang natabunan at na-wash out ng landslide.
Pinagtulungan ng mga awtoridad na ilabas ang dalawang babae sa kanilang mga bahay matapos silang matabunan ng lupa at tubig dahil sa landslide.
Inilikas din ang iba pang naapektuhang residente, na nananatili sa evacuation center sa ngayon.
Isa ring malaking puno ang humambalang sa kalsada sa Outlook Drive pa rin. Ilang bahagi nito ang tumama sa mga linya ng kuryente.
Isang van ang nabagsakan at nabasag ang windshield.
Nagsagawa ng pagpupulong ang Baguio City LGU na pinangunahan ni Mayor Benjamin Magalong nitong umaga.
Batay sa tala ng lokal na pamahalaan, 30 ang bilang ng insidente ng pagbagsak ng mga puno, 34 ang landslide, erosion at rockfall.
“Relatively affected tayo dito. We are now under signal number 3, that could translate to about 80, 81 or 82 individuals. We have about 17 houses na damaged. Actually out of the 17, dalawa doon ang totally damaged,” sabi ni Magalong.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
