Nasawi ang isang 68-anyos na barangay tanod matapos siyang pagtatagain ng isang lalaki sa Rodriguez, Rizal. Ang malagim na krimen, kinuhanan pa ng video ng suspek na dinakip kalaunan.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood sa video footage na inayos pa ng lalaki ang anggulo ng kaniyang cellphone camera saka pumuwesto sa harap ng barangay tanod na nakaupo labas ng isang tindahan sa Barangay San Rafael, nitong Miyerkoles ng madaling araw.

Katatapos lang umanong uminom ng alak ang biktima, at nakainom din ang suspek.

Ilang saglit lang, bigla nang buwelo ang lalaki habang hawak ang bolo at pinagtataga ang biktima. Hindi na nakapalag ang tanod hanggang sa nawalan na siya ng malay.

Dinala pa sa ospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival, ayon sa pulisya.

“Madaming taga po roon sa leeg po na ating nakita, mga anim na taga,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Paul Sabulao, hepe ng Rodriguez, Rizal Police.

Sa tulong ng mga saksi sa lugar, nadakip ang 33-anyos na suspek sa Barangay San Isidro.

“Sabi nga ay naburyong lang 'yung suspek natin at nakainom nga nu’ng nangyaring ‘yun. At wala tayong nakitang motibo kundi talagang napagtripan lang talaga,” sabi ni Sabulao.

Inamin ng suspek ang krimen, na nagawa raw niya dahil sa pagmumura at pambabastos ng biktima.

“Minura niya po 'yung pinsan ko po. Tsaka binastos niya na rin 'yung panganay kong anak. Nakainom na po siya tapos nagsuntukan po kaming dalawa sa labas po ng tindahan. Sa pagmumura niya sa akin,” sabi ng suspek.

Sinisikap pa ng GMA Integrated News na kunin ang panig ng kaanak ng biktima.

Narekober sa crime scene ang bolo at cellphone na ginamit sa krimen.

Nahaharap sa reklamong murder ang suspek, na nakapiit na sa custodial facility ng Rodriguez Municipal Police.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News