Nagmistulang lawa ang strawberry farm sa La Trinidad, Benguet na sikat na pasyalan matapos itong bahain.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabing dulot ito ng walang tigil na malakas na ulan dahil sa Bagyong Emong.

Isinailalim sa wind signal number 2 at 3 ang ilang parte ng Benguet dahil sa bagyo nitong mga nakaraang oras.

Sa Baguio City, iniligtas ang dalawang babae matapos silang ma-trap at matabunan ng putik ang kanilang bahay nang magkaroon ng landslide sa kanilang lugar sa Baguio City.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Balitanghali, sinabing rumagasa ang tubig sa mga kabahayan sa Purok 2 Outlook Drive ng 6 a.m. matapos ang magdamagang ulan.

Apat na bahay ang apektado, at isa sa mga ito ang tuluyang natabunan at na-wash out ng landslide. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News