Kumpirmado nang tatlo ang nasawi sa nangyaring landslide sa boundary ng Silang at Tagaytay City sa Cavite matapos na makita na ang mga labi ng dalawa pang nawawalang biktima. Sa Bataan naman, wala na ring buhay nang makita ang isang bata na nawala matapos tangayin ng malakas na agos sa ilog.
Nangyari ang landslide sa Cavite nitong Huwebes na tumabon sa barracks ng mga biktima, nang bumigay ang isang pader sa Barangay Iruhin West.
Kaagad na nakuha ang isang nasawi, habang idineklarang missing ang dalawa.
Nitong Biyernes, wala na silang buhay nang matagpuan matapos matabunan ng bubong at lupa.
“Yung mga bubong [ang nakatabong sa kaniya]. Bubong ng yero, tiyaka ng lupa,” ayon sa kaanak ng isang biktima sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News “24 Oras.”
“Initially po, ang nangyari ay nagkaroon po ng collapse ng structure ng wall. Nag-collapse, kaya po yung lupa sa taas ay gumuho po papunta dun sa side ng mayroon pong barracks nung worker naman po sa kabilang property,” sabi naman ni Tagaytay City Disaster Risk Reduction Management Office Head Jose Clyde Yayong.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Tagaytay City, tutulong sila sa pagpapalibing sa mga biktima, maiuwi sila sa kani-kanilang lugar.
Makikipag-ugnayan din sila sa lokal na pamahalaan ng Silang kaugnay sa pananagutan ng may-ari ng lote.
“It’s a bit tricky sir, kasi yung nag-collapse na wall is on Silang side, diba yung nahulugan lang is from the other property is Tagaytay. We would have to coordinate again with the LGU of Silang regarding their permits if they were updated and checked accordingly,” pahayag ni Tagaytay Mayor Brent Tolentino.
BATA SA BATAAN
Samantala, nakita naman ang katawan ng tatlong-taong-gulang na lalaki sa gilid ng ilog sa Barangay Maligaya sa Dalupihan, Bataan, ngayong Biyernes matapos siyang tangayin ng malagas na agos ng tubig sa ilog noong Martes.
Ayon sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras”, nakita ang katawan ng biktima, dalawang barangay ang layo mula sa Barangay Tubo-Tubo kung saan siya nawala.
Hinihinala ng ina ng bata na posibleng sumunod ang kaniyang anak sa kapatid nito na naligo sa kalapit na ilog.
Kaagad na ring inilibing ang bata. —FRJ GMA Integrated News
