Isa ang bayan ng Calasiao sa Pangasinan sa matinding naapektuhan ng mga pag-ulan na nagdulot ng matinding pagbaha sa ilang barangay. Sa isang barangay, binalak pa ng ilang residente na butasin ang bahagi ng dike sa pag-aakalang makatutulong ito para mapababa ang baha.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing apat sa 23 na barangay sa Calasiao na binaha ang umabot ang tubig sa hanggang bubungan.
Ang apat na barangay ay ang Longos, Lasip, Lumbang at Mancup.
Bagaman bumuti na ang panahon, nananatili ang baha sa maraming lugar sa bayan, hanggang sa mga kalsada, at patuloy na nagsasagawa ng rescue operation.
Sa Barangay Talibaew, tinangka naman ng ilang residente na butasin ang
dike sa paniwalang makatutulong ito para maigsan ang baha sa kanilang lugar.
Pero ipinatigil ito ng local engineering office dahil sa mali ang paniwala ng mga residente.
“Ang pagkakaintindi nila kapag nilagyan nila ng butas yung retaining wall sa dike ay makakatulong mabawasan yung tubig sa kanilang barangay. Pero widespread naman itong pagbaha. Halos yung lebel ng tubig nila sa barangay nila at sa ilog, parehas lang,” ayon kay Calasiao MDRRM Officer Freddie Villacorta.
Gabi nitong Huwebes nang tumama sa kalupaan sa bayan ng Agno, Pangasinan ang bagyong Emong.
Ramdam din ang hagupit ng malakas na hangin sa bayan ng Alaminos na nagpabagsak sa mga poste ng kuryente.
Ayon kay Pangasinan Assistance PDRRM Officer Avenix Arenas, mayroong 26 na bayan at lungsod sa Pangasinan ang nawalan ng suplay ng kuryente.
“Pahirapan kami sa pakikipag-coordinate doon (Agno). Actually, ‘yung report nila ‘yung situational report nila ay hindi pa kami nakaka-receive dahil walang communication [at] may power outage,” saad ni Arenas sa hiwalay na ulat sa GMA News 24 Oras. – FRJ GMA Integrated News
