Sugatan ang isang pitong taong gulang na babae matapos siyang sakmalin sa mukha ng isang aso na nakawala sa pagkakatali sa Calamba, Laguna.

Sa ulat ni JP Soriano sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood sa CCTV na naliligo sa ulan ang biktima sa may Barangay San Cristobal.

Pauwi na ang batang babae nang biglang siyang sugurin at sakmalin sa ulo ng aso.

Kalaunan, hinabol at inambahan ng isang residente ang aso kaya ito tumigil at tumakbo palayo.

Duguan ang ulo at mukha ng bata, na agad isinugod sa pagamutan.

Batay sa tiyahin ng biktima, nakawala sa pagkakatali ang aso ng kapitbahay.

“Nakatali na po 'yun sir, nakakulong na po kasi meron na po rin 'yun nakagat na isang bata taga-dito lang din po sa amin. Doon po sa pinagtalian, parang naputol daw po ang tali noon kasi tumalon daw po sa tulay,” sabi ni Angie, tiyahin ng biktima.

Nagkasugat sa ulo at paligid ng isang mata ang bata.

Sinagot naman ang pagpapagamot ng may-ari ng aso, na tumangging magbigay ng kaniyang panig.

Ayon sa tiyahin ng biktima, muli nang nakakulong ang asong nakakagat sa kaniyang pamangkin.

Batay sa mga nauna nang paalala ng mga eksperto, dapat tiyakin ng mga pet owner na may maayos na pagkain at tirahan ang mga alaga, hindi maging panganib sa ibang tao at pabakunahan ang mga ito.

Nagpaalala rin sila na agad magpagamot at magpabakuna kung nakagat o nasugatan ng hayop tulad ng aso o pusa para maiwasan ang sakit gaya ng rabies. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News