Tatlong lalaki sa Puerto Princesa, Palawan ay sabay-sabay na nangisay matapos umano makahithit ng itim na sigarilyo.
Ayon sa ulat ni Jun Veneracion sa 24 Oras Weekend, nangyari ang insidente noong July 19 ng gabi. Natagpuan ng mga residente na nangingisay ang tatlong lalaki sa tabi ng kalsada. Natumba pa ang isang motorsiklo nang masipa ng isa sa mga lalaki habang tila hindi ma-kontrol ang kanyang mga galaw. Ang dalawa naman niyang kasama, nakahandusay na parang walang malay.
Dinala ang tatlo sa ospital. Ayon sa dalawa sa mga nangisay na pawang mga menor de edad, nagsimula nilang maramdaman ang hindi ma-kontrol na panginginig ng katawan nang hithitin nila ang sinabi nilang kulay-itim na sigarilyo.
Boluntaryo raw na nagpakuha ng specimen ang mga biktima para matukoy kung ano ang nangyari sa kanila. Hinihintay pa ang resulta.
May special task group na tututok sa insidente. Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), hindi pa sila nakatatanggap ng report mula sa Palawan Police, pero may mga katulad na insidente na nireport na sa kanilang himpilan. Base sa nakalap nila, ang sinasabing "black cigarette" ay karaniwang galing sa Vietnam at may mataas na nicotine content. — BM GMA Integrated News
