Isang 34-anyos na babaeng elementary school teacher ang nasawi matapos pagsasaksakin ng kaniyang mister dahil umano sa selos sa Rodriguez, Rizal. Ang krimen, nasaksihan pa ng 10-anyos nilang anak.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Lunes, sinabi ng pulisya na nag-away ang mag-asawa sa kanilang bahay sa Barangay Mascap noong Miyerkoles ng umaga.
“Nagkaroon sila ng pagtatalo ng umagang umaga kung saan ay humantong na 'yung biktima ay tinapunan ng kape at inundayan, kumuha ng kutsilyo at inundayan ng saksak,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Paul Sabulao, Chief ng Rodriguez, Rizal Police.
“May post ‘di umano itong biktima na hindi nagustuhan at iyon ang pinag-ugatan ng kanilang pagtatalo. Sabi pa nga ay isa sa mga pinatingnan dahil ginagabi nga umuuwi itong victim natin,” ayon pa kay Sabulao.
Bago nito, inireklamo na rin ng biktima ang asawang suspek dahil sa pananakit umano sa kanilang anak.
“Nagkaroon nga ito ng settlement at medyo nagdistansya muna, parang hindi umuwi muna itong asawa nitong lalaki, itong suspek natin,” sabi ni Sabulao.
Tumakas ang 37-anyos na suspek matapos ang pananaksak pero nadakip kalaunan sa Barangay San Isidro.
“Nagtalo lang po kami pero may maraming dahilan po na malalim. Lagi niya po ako pinapalayas. Hindi ko po siya sinasaktan. First time lang po nangyari po ‘yun,” sabi ng suspek.
Narekober sa crime scene ang kutsilyong ginamit niya umano sa krimen.
Nahaharap sa reklamong parricide ang suspek, na nakabilanggo sa custodial facility ng Rodriguez Municipal Police. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
