Naaresto sa Caloocan City ang dalawang suspek sa pagpatay sa dalawang babae na nakitang may tama ng bala ng baril sa gilid ng highway sa Palauig, Zambales noong Huwebes.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing naaresto ng mga pulis ang dalawang suspek sa isang hotel sa Bagong Barrio, Caloocan.

Nakuha umano sa mga suspek ang isang baril at dalawang sasakyan na ginamit nila sa pagtakas.

Dalawang suspek pa ang pinaghahanap ng mga awtoridad.

Ayon sa pulisya, posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang motibo sa nangyaring pagpatay sa dalawang babae.

Walang binanggit sa ulat na ano mang detalye tungkol sa mga biktima. – FRJ GMA Integrated News