Nakatali at walang suot na damit nang matagpuan ang bangkay ng isang babae sa loob ng kaniyang bahay sa Dingras, Ilocos Norte.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing hindi sumasagot sa tawag sa cellphone ang 39-anyos na biktima kaya pinuntahan siya sa bahay ng kaniyang mga kaanak sa Barangay Lumad nitong Sabado ng gabi.

Doon na nakita ang katawan ng biktima sa sala, nakagapos, may plaster ang bibig, at walang damit.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nawawala ang pera at mga alahas ng biktima. May mga sugat at pasa rin siya na tinamo sa ulo.

Hiwalay sa asawa ang biktima, at mag-isang naninirahan sa bahay bagaman mayroon itong dalawang anak.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa krimen, at kung pinagsamantalahan din ang biktima.

Sinusuri na ang mga CCTV footage sa barangay para malaman kung sino ang natungo sa bahay ng biktima.—FRJ GMA Integrated News