Nasawi ang tatlong rider, at dalawang angkas ang sugatan nang mahagip ng truck ang kanilang mga motorsiklo sa Cagayan de Oro City. Ang mga biktima, nahulog pa sa bangin.

Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Lumbia kaninang umaga.

Sa imbestigasyon ng pulisya, patungo sa city proper ang tatlong motorsiklo habang patungo sa Talakag, Bukidnon ang truck na may kargang mga graba nang mangyari ang insidente.

Ayon kay Cagayan de Oro City Police Office Spokesperson, Capt. Emilita Simon, idinahilan umano ng driver ng truck na pumalya ang preno ng kaniyang sasakyan kaya natamaan niya ang mga motorsiklo.

Nahulog din ang mga biktima sa bangin na may lalim na 30 hanggang 50 metro.

Nasawi sa pinangyarihan ng insidente ang tatlong rider, habang sugatan ang dalawang angkas na dinala sa ospital.

Mahaharap ang truck driver sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide. Wala pa siyang pahayag. --FRJ GMA Integrated News