Arestado ang isang pulis matapos barilin at mapatay ang kaniyang 30-anyos na live-in parner sa Digos City, Davao del Sur. Ang ina ng biktima, sugatan din matapos barilin ng suspek.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing nakatalaga ang suspek na pulis na may ranggong patrolman sa Hagonoy Municipal Police Station.
Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na lasing na umuwi ang suspek at nagkaroon ito ng mainit na pagtatalo sa biktima na nauwi sa pamamaril.
Binaril din ng suspek at nasugatan ang ina ng biktima na isang barangay health worker.
Pitong basyo ng bala ng baril ang nakuha ng mga awtoridad sa lugar na pinangyarihan ng krimen.
Tinangka pa ng suspek na tumakas pero naaresto rin siya ng kaniyang mga kabarong pulis.
Mahaharap ang suspek sa kaukulang kaso, habang iniimbestigahan ang ugat ng krimen.—FRJ GMA Integrated News
