Nasawi ang isang lalaking naglalakad sa gilid ng kalsada matapos siyang mabundol ng isang tricycle at tumama pa sa signage sa Tulunan, Cotabato.
Sa ulat ng Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV camera na naglalakad ang biktima sa gilid ng kalsada sa Barangay La Esperanza.
Ilang saglit lang, isang tricycle na mabilis ang takbo ang makikitang papalapit mula sa kaniyang likuran hanggang sa masalpok na ang biktima.
Tumilapon ang lalaki bago tumama sa isang signage.
Isinugod ng nakabanggang tricyc driver ang biktima sa ospital pero binawian din ito ng buhay kalaunan.
Ayon sa driver, nawalan umano siya ng control sa tricycle at hindi rin niya agad napansin na may nabangga pala siyang tao.
Hawak na ng mga awtoridad ang tricycle driver at kaniyang kasama, na parehong nangakong sasagutin ang gastusin sa pagpapalibing sa biktima.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang kaanak ng biktima. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
Lalaking naglalakad sa gilid ng kalsada, patay nang mabangga ng tricycle at tumama pa sa signage
Setyembre 12, 2025 4:07pm GMT+08:00
