Nasawi ang isang 48-anyos na amain matapos siyang pagsasaksakin ng live-in partner ng kaniyang stepdaughter sa San Miguel, Iloilo. Ang hinihinalang dahilan ng krimen, hindi sang-ayon ang biktima sa relasyon ng dalawa.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Biyernes, sinabing natutulog sa loob ng bahay ang biktima sa Barangay Santo Niño nang pagsasaksakin siya ng suspek.
Kinilala ang biktima na si Albert Mallorca, na dead on arrival sa ospital dahil sa 21 saksak na tinamo.
Hinahanap pa ang suspek na nakuhanan ng video na tumatakas. Hindi pa natatagpuan ang ginamit niyang kutsilyo sa krimen.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, posibleng nagawa ng suspek ang pananaksak dahil hindi umano boto ang biktima sa suspek bilang live-in partner ng stepdaughter nito. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
