Kabilang ang isang 17-anyos na babae sa mga nasawi sa nangyaring malakas na lindol sa Bogo City, Cebu noong Martes. Ang biktima, bumalik sa bahay para iligtas ang kaniyang ina at kapatid na sanggol.
Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc ng GMA Regional TV sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, makikita na nakaburol sa isang bakanteng lote ang 11 nasawi sa lindol sa Barangay Binabag—na kinabibilangan ng dalagita na itinuturing bayani.
Ang mga nasawi, nakatira sa paanan ng bundok at nabagsakan ng malalaking bato ang kanilang mga tahanan nang mangyari ang lindol.
Kabilang sa nasawi ang 17-anyos na si Lady, na nakalabas na ng bahay pero bumalik para iligtas ang kaniyang ina at kapatid na sanggol.
Hirap ding tanggapin ni Jecel Malinao ang sinapit ng kaniyang mga anak na edad na lima at 10, na nasawi rin matapos madaganan ng mga bato.
Umabot sa kabuuang 33 ang nasawi sa lindol sa Bago City, na pinaka-napuruhan ng lindol.
Nananawagan ang mga kaanak ng mga nasawi sa lokal na pamahalaan na matulungan sila sa pagpapalibing ng mga mahal nila sa buhay.
Itinigil na umano ang search, rescue and retrieval operations sa lugar ng Office of Civil Defense dahil “all accounted for” na ang mga biktima.
Sa buong lalawigan, umabot na sa 73 katao ang nasawi dahil sa lindol.—FRJ GMA Integrated News
