Bumagsak ang kisame ng isang silid-aralan ng isang elementary school sa Davao City habang nagkaklase ang nasa 40 batang estudyante.
Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabing bahagyang nasaktan ang nasa 40 estudyante ng Lapu-Lapu Elementary School sa Agdao, Davao City dahil sa nangyaring insidente nitong Martes, October 7, 2025.
Kuwento ng guro na si Marites Caneda, Grade 4 adviser, bigla na lang bumigay ang kisame habang nagtuturo siya.
Mabuti na lang na kaagad nakapagtago sa ilalim ng kanilang mga lamesa ang mga bata at gumapang para makalabas ng silid-aralan.
“Ang narinig ko kasi, Ma’am, ingay sa taas… akala namin, lindol so ang mga bata, automatic nag-duck cover and hold… na shot aning mga bangko naay niana sa ako so akong giana so that makalusot ang mga bata, makakamang nag-crawl sila pagawas, nagka-minor injuries sila,” kuwento ni Caneda.
Isinailalim din umano ang mga bata sa stress debriefing dahil sa naturang insidente.
“In a blink of a second, ingon ato ang mahitabo sa amoa. Among panawagan sa gobyerno nga kung mag-construct og school facility, especially classrooms, see to it safety ang number one i-prioritize,” dagdag ng guro.
Nagpahayag din ng pangamba ang mga magulang ng mga mag-aaral para sa kaligtasan ng kanilang mga anak.
“Hadlok pud as a parent pero salig man pud mi sa mga maestra ug staff nga ma-secure among mga bata,” saad ng isang magulang.
Ipinaalam na ng school principal sa Department of Education (DepEd) Division Office at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nangyari.
“Ang DPWH nianhi kagahapon sa site inspection nagpadala sila today og maintenance team natanggal na ang mga debris,” ayon sa school principal na si Ruby Briones.
Nakita rin na may mga silid-aralan sa paaralan na nakalundo na ang kisame at may bitak ang sahig na dulot umano ng mga nagdaang lindol.
“We are granted with allocated budget for the rehab of this school building,” ani Briones.
Nagpatupad ang paaralan ng blended learning para sa Grade 4 students na naapektuhan ng insidente, at maging ang iba pang mag-aaral na may nakitang problema sa kanilang silid-aralan hangga’t hindi natitiyak na ligtas na gamitin ang kanilang kuwarto.—FRJ GMA Integrated News
