Nasawi ang isang motorcycle rider at sugatan ang kaniyang angkas matapos silang masalpok ng isang nag-overtake umano na SUV sa Mangaldan, Pangasinan.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Biyernes, inilahad ng pulisya na nag-overtake ang SUV sa isang jeep kaya nito nasalpok ang motorsiklo.

Sa CCTV footage, mapanonood na tumilapon ang dalawang sakay ng motorsiklo matapos silang mabangga ng SUV.

Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang rider habang sugatan ang angkas niya. Isang nakaparadang motor at pickup sa gilid ng kalsada ang nadamay din sa insidente.

Batay sa pulisya, negatibo sa alcohol breath test ang driver ng SUV.

Nakikipag-ugnayan na sa pamilya ng mga biktima ang driver ng SUV.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang magkabilang panig. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News