Naglutangan ang mga sasakyan sa Cebu City dahil sa matinding baha dulot ng pananalasa ng Bagyong Tino sa ilang lugar sa Visayas.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Martes, mapanonood ang video na nakalap ng GMA Regional TV na lumutang ang mga sasakyan, at may mga tinatangay pa ng agos ng tubig.

Sa Facebook post ng GMA Regional TV, makikita ang mga larawan ng mga sasakyan na nagkapatong-patong matapos humupa ang baha sa Villa del Rio 1 sa Cebu City

Kulay putik naman ang rumaragasang baha sa Talisay City, at napilitan ang ilang residente na umakyat na sa ikalawang palapag o sa bubungan ng kanilang mga bahay dahil sa taas ng tubig.

Baha na rin sa ilang bahagi ng National Highway sa Mandaue City, at humarang na sa kalsada ang mga nabuwal na puno sa iba pang parte ng lungsod.

Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na may isa nang napaulat na nasawi dahil sa Bagyong Tino, ngunit kinukumpirma pa ito.



Batay naman sa tala ng NDRRMC, mahigit 10,000 pamilya ang nananatili sa mga evacuation center habang mahigit 3,000 pamilya naman ang lumikas sa iba pang lugar.

Samantala, isa-isang niligtas ng mga tauhan ng Philippine Red Cross Southern Leyte Chapter at Emergency Response Unit ang mga residente na stranded sa Barangay Guadalupe sa Maasin City.

Umapaw ang isang malaking kanal sa lugar dahil sa malakas na buhos ng ulan dahil sa Bagyong Tino.

Sa Talisay, Cebu, sinagip din ang mga residenteng naninirahan sa ilalim ng tulay matapos umapaw ang tubig sa Mananga River.



Anim na indibiduwal at isang alagang aso naman ang inilikas ng Philippine Red Cross Water Search and Rescue Team sa Villa del Rio sa Talamban, Cebu. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News