Nauwi sa engkuwentro ang pagresponde ng mga pulis sa holdapan ng isang convenience store sa Marilao, Bulacan nitong Lunes. Napatay ang suspek na natuklasan kinalaunan na isa rin umanong pulis.
Sa isang pahayag sa naka-post sa Facebook page ng Police Regional Office 3 ngayong Martes, nakasaad na kaagad na rumesponde ang mga pulis matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa nangyarihang holdapan sa Barangay Sta. Rosa I.
Inabutan umano ng mga pulis ang tumatakas na suspek na nakamotorsiklo at nagkaroon ng palitan ng putok na ikinasawi ng huli.
Nakasaad din sa post na, "the suspect, who was later confirmed to be a member of the law enforcement community."
Ayon kay Police BGEN. Ponce Rogelio I. Peñones Jr., Regional Director ng PRO3, "this incident serves as a reminder that no one is above the law."
Sa hiwalay na pahayag, tiniyak ni Peñones ang transparency at accountability kaugnay sa nangyaring engkuwentro sa Marilao, kasunod ng isinasagawang imbestigasyon sa nangyari.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing may ranggo na kapitan at hepe ng investigation division sa North Caloocan Police ang napatay na suspek. -- FRJ GMA Integrated News

