Tatlo ang nasawi at dalawa ang sugatan matapos salpukin ng isang 10-wheeler truck at dump truck ang ilang sasakyan sa Sumulong Highway sa Barangay Dela Paz sa Antipolo City, Rizal nitong Martes ng umaga.

Sa ulat ni Mark Makalalad sa Super Radyo dzBB, sinabing kabilang sa nasawi ang mismong driver ng dump truck na nawalan nawalan umano ng preno.

Habang ang dalawa pang nasawi ay kabilang sa mga nabangga ng truck, kabilang ang isang rider ng motorsiklo.

Ayon kay Antipolo public information office chief Relly Bernardo, ang mga sangkot na sasakyan sa sakuna ay dalawang truck, dalawang kotse, at tatlong motorsiklo.

Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, sinabing nawalan umano ng preno ang dump truck na may kargang buhangin sa pababang bahagi ng kalsada.

Sa hiwalay na ulat ng GTV News Balitanghali, sinabing tinangka umano ng 10-wheeler truck na tumulong na pahintuin sana ang dump truck na nasa likuran niya na nawalan ng preno na panay umano ang busina na indikasyon ng may emergency ito.

Dahil nasa unahan, pumreno umano ang 10-wheeler truck para mapahinto ang dump truck pero nabigo ito dahil sa bigat ang karga ng dump truck at pababa ang daan kaya nagtuloy-tuloy sila at nakabangga ng iba pang sasakyan.

Bumangga rin ang dalawang truck sa kongkretong poste na isinasawi ng driver ng dump truck.--Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News