Nasawi ang isang 74-anyos na lolo matapos siyang saksakin sa dibdib at leeg ng kaniyang 27-anyos na apo sa kanilang bahay sa Barangay 9A, Davao City.

Sa ulat ni Rgil Relator sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing nangyari ang krimen nitong umaga ng Lunes, December 1, 2025.

Ayon sa kapatid ng suspek, nakarinig na lang sila ng ingay at nasundin ng paghingi ng tulong ng kanilang lolo.

Hanggang sa makita na lang umano niya ang kaniyang kapatid na suspek sa labas ng kuwarto ng kanilang lolo na may hawak na dalawang kutsilyo na duguan.

Ayon din sa pamilya, dati nang pinagbabantaan ng suspek ang biktima.

May problema umano sa pag-iisip ang suspek na ilang beses na rin nadala sa mental health facility.

Masakit man sa kalooban ng pamilya ang nangyari sa biktima, nagpasya sila na huwag nang kasuhan ang suspek dahil sa kalagayan ng pag-iisip nito.

“Naka-decide sila na instead na mag-file sila ng kaso, dalhin na lang na lang nila sa mental hospital ang suspek,” ayon kay Davao City Police Office (DCPO) Spokesperson Police Capt. Hazel Caballero Tuazon.—FRJ GMA Integrated News