Nakabuo umano ang mga mananaliksik mula sa University of Granada sa Spain ng artipisyal na cornea na gawa mula sa kaliskis ng iba’t ibang uri ng isda, na karaniwang makikita sa mga palengke. Dahil dito, maaari umanong maging mas mura itong alternatibo sa corneal transplant para sa mga taong mayroong malubhang sakit sa mata, kaysa kumuha at maghintay ng donor.

Ang cornea ay ang transparent front layer sa mata na mahirap umanong maayos kapag lubhang nasira dahil wala itong mga daluyan ng dugo. Bukod dito,  limitado rin lang ang kakayahan nitong mag-regenerate o muling mabuo.

Karaniwang ginagamot ang malubhang sakit sa cornea sa pamamagitan ng transplant mula sa donor. Gayunman, madalas na problema ang kakulangan ng donor organs at mahabang waiting list ng mga nangangailangan ng cornea transplant.

Sa isang pahayag, sinabi ng mga siyentipiko mula sa Tissue Engineering Group ng unibersidad at ng ibs.GRANADA biomedical research institute, na nakagawa sila ng mga corneal implant sa mga hayop gamit ang kaliskis ng isda na highly biocompatibility, malinaw (transparent), at matibay.

"Due to its origin, this product is very accessible, easy to obtain and inexpensive, and could help boost the local fishing industry," ayon kay Ingrid Garzon, professor ng histology sa southern Spanish university, na co-authored sa research.

Bagaman maganda ang ipinakita sa mga isinagawang pagsasaliksik, malayo pa umano ito sa aktuwal na paggamit sa mga tao dahil kailangan pang dumaan sa human clinical trials.

Sinabi ng research team na nagpakita ng magagandang resulta ang isinagawa nilang mga pag-aaral sa laboratoryo at sa mga hayop na nilagyan ng mga implant ang mata gamit ang kaliskis.

"Although the standard transplant usually offers good results, it's necessary to develop new effective regeneration methods that do not depend on organ donation, which is subject to waiting lists," saad ni Miguel Alaminos, isa ring histology professor sa unibersidad.

Ayon sa isang peer-reviewed na pag-aaral noong 2016 ng mga mananaliksik mula sa University of Antwerp, biocompatible sa mga tao ang mga artipisyal na cornea na mula sa kaliskis ng isda. — mula sa ulat ng Reuters/FRJ GMA Integrated News