Isang mag-asawa ang nasawi matapos masalpok ang sinasakyan nilang kolong-kolong, ng isa pang kolong-kolong na lasing umano ang driver sa Santo Domingo, Nueva Ecija. Sa lakas ng pagbangga, napunta sa kabilang linya ang mga biktima, at nasalpok naman ng closed van.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na binabagtas ng mga biktima ang Maharlika Highway sa Barangay Malayantoc.

Nakasunod sa kanila ang kolong-kolong na suspek nagtangkang umano mag-overtake sa kanang bahagi ng kalsada pero nauwi sa pagkakasalpok sa mag-anak.

Unang nasagi ng kolong-kolong ng suspek ang isang big bike, bago bumangga sa sasakyan ng mga biktima.

Napunta sa kabilang linya ng kalsada ang sasakyan ng mga biktima hanggang sa nasalpok ng kasalubong na closed-van.

Dead on the spot ang babae habang binawian ng buhay sa ospital ang kaniyang mister.

Nakaligtas naman ang kanilang anak na nagtamo ng iba’t ibang sugat sa katawan.

Humingi ng tawad sa kaanak ng mga biktima ang 43-anyos na driver na suspek, na sinampahan na ng reklamo at nasa kustodiya ng pulisya.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News