Isang babae na magja-jogging sana at tumatawid ng kalsada ang nasawi matapos mabangga ng truck sa Barangay Tuliao sa Santa Barbara, Pangasinan.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagmula sa Calasiao ang biktima.

Posibleng hindi umano napansin ng truckdriver ang tumatawid na biktima na wala sa pedestrian lane.

Dead on arrival sa ospital ang biktima, na nagtamo ng sugat sa iba't ibang parte ng kaniyang katawan.

Nagkaroon na umano ng pag-uusap ang kaanak ng biktima at ang driver ng truck. Pareho silang walang pahayag.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News