Patay na nang matagpuan sa isang sapa ang 10-taong-gulang na babae na isang linggo nang nawawala sa Bataraza, Palawan. Huling nakitang buhay ang biktima na nakasakay sa motorsiklo ng naarestong suspek.

Sa ulat ni Kenneth Calumris ng Super Radyo Palawan sa Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabing natagpuan ang bangkay ng biktima sa isang sapa sa Barangay Bulalacao.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na Nobyembre 29 nang sumama ang biktima sa mga kaibigan nito para magtinda ng gulay sa palengke.

Pagsapit ng 7:00 pm, nag-alok umano ang suspek sa ina ng mga kaibigan ng biktima na ihahatid na niya ang mga bata sakay ng motorsiklo.

Pero ayon sa dalawang kaibigan ng biktima, ibinaba sila ng suspek sa población ng barangay para sunduin ang kapatid at babalikan na lang sila. Gayunman,  isinama umano ng suspek ang biktima.

Ayon sa pulisya, isasailalim sa awtopsiya ang mga labi ng biktima para alamin ang sanhi ng pagkamatay nito.

Nasa kustodiya naman ng mga awtoridad ang suspek na nahaharap sa kasong murder. – FRJ GMA Integrated News