Nagtamo ng matinding sugat sa kamay ang isang babaeng 63-anyos matapos siyang atakihin ng buwaya habang nasa banyo ng kaniyang bahay na nasa ibabaw ng dagat sa Panglima Sugala, Tawi-Tawi.

Sa pahayag ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Karaha, noong Miyerkules ng gabi.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), gumamit ng banyo ang biktima sa kaniyang “stilt house” o bahay na nasa ibabaw ng tubig, nang biglang sakmalin ng buwaya ang kaliwa niyang kamay.

Nagtamo na malubhang sugat ang biktima, habang kaagad na umalis ang buwaya.

Kaagad na dinala sa ospital ng kaniyang pamilya ang biktima sa tulong ng mga responder mula sa Marine Battalion Landing Team-12.

Ayon sa mga awtoridad, high tide nang mangyari ang insidente.

Kasalukuyan namang isinasagawa ang search operation upang mahanap ang naturang buwaya, kasabay ng paalala ng mga awtoridad sa mga residente na mag-ingat.

Nitong nakaraang Abril, nasugatan din ang dalawang mangingisda sa nangyaring magkasunod na pag-atake ng buwaya sa isang barangay sa nasabi ring bayan. – FRJ GMA Integrated News