Patay ang isang 24-anyos na babae matapos paluin sa ulo ng martilyo at saksakin ng dati niyang nobyo sa loob ng inuupahan niyang bahay sa Cebu City. Ang krimen, nasaksihan ng anim na taong gulang na anak ng biktima.

Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen kaninang madaling araw sa Barangay Carreta sa nasabing lungsod.

Ayon sa pulisya, tumakas ang 23-anyos na suspek matapos gawin ang krimen, pero sumuko rin sa mga awtoridad kinalaunan.

Paliwanag ng suspek, ipagdiriwang sana nila ng biktima ang kanilang anibersaryo noong gabi ng Miyerkules kaya nagdala siya ng bulaklak at tsokolate.

Pero hindi umano tinanggap ng biktima ang kaniyang regalo at sinabing may bago na itong nobyo.

Nauna rin umano siyang tinangkang saksakin ng biktima at ipinakita pa ang sugat na tinamo raw niya sa kamay.

Nang maagaw niya ang patalim, sinaksak niya ang biktima, at pinalo ng martilyo ang ulo nito.

Humihingi siya ng patawad sa kaniyang nagawa sa biktima.

Ayon sa landlady ng babae, nakipaghiwalay ang biktima sa suspek dahil sa palaging pagtatalo ng dalawa dahil sa anak ng biktima na hindi umano gusto ng lalaki.

Pero pinili umano ng babae ang kaniyang anak kaya nakipaghiwalay sa suspek, na ikinagalit ng huli.

Isasailalim sa psychosocial intervention o debriefing ang bata matapos na masaksihan ang krimen.

Nakuha naman ng mga pulis ang patalim at martilyo na ginamit sa krimen.

Kakasuhan ng murder ang suspek. – FRJ GMA Integrated News