Nasugatan at dinala sa pagamutan ang 12 katao matapos bumigay nang mabiyak sa gitna ang sinasakyan nilang amusement ride sa San Jacinto, Pangasinan.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente nitong Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa pulisya, 30 ang sakay sa naturang ride nang mangyari ang insidente at 12 ang nasugatan.

“Nag-collapse sa gitna, bumigay ‘yung welding sa gitna, nabali, so hindi naman bumagsak however sumadsad siya noong nag-collapse,” ayon kay San Jacinto police chief, Police Major Napoleon Velasco, Jr.

Kabilang sa nakasakay sa ride ang 19-anyos na nagtatrabaho sa peryahan na nagtamo ng sugat at pasa sa katawan. Aniya, lagi namang sinusuri ang ride kaya hindi niya inasahan ang nangyari.

"Noong pangalawa po pababa po saka siya nasira, naano po sa gitna talagang nasadya po. Nadaganan po yung mga bata sa bandang gitna,” kuwento niya.

Kabilang sa dinala sa ospital ang isang 11-anyos na bata na idinadaing daw ang masakit na dibdib.

Hiling ng ina ng bata, matulungan sila ng operator ng peryahan sa gastos sa ospital.

Ayon sa pulisya, nangako naman ang operator ng peryahan ng tulong pinansiyal sa mga biktima.

Sa ngayon, suspendido ang operasyon ng peryahan, at wala pang pahayag na inilalabas ang operator nito. – FRJ GMA Integrated News