Matinding sakit ang nadarama ng isang ina matapos barilin at patayin sa loob ng kanilang bahay ang dalawa niyang anak. Nangyari ang krimen sa Cebu City sa araw ng Pasko, na kaarawan din ng ginang.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Biyernes, sinabing nangyari ang krimen sa bahay ng mga biktima sa Barangay Sawang Calero, nitong Huwebes ng umag.
Kinilala ang mga biktima na sina Melber at Rommel Fernandez. Suspek sa krimen ang kanilang kapitbahay, na naaresto ilang oras matapos mangyari ang pamamaril.
Napag-alaman na kalalabas lang ng kulungan si Melber, dahil sa kaso ng pagpatay sa kamag-anak ng suspek.
Paghihiganti ang lumilitaw na motibo ng suspek sa pagpatay sa mga biktima.
Ayon sa asawa ni Rommel, dalawang lalaki ang pumasok sa kanilang bahay at unang binaril si Melber.
Nang tangkang sasaklolohan ni Rommel ang kapatid, pati siya ay binaril din.
Labis ang hinagpis ng ina ng mga biktima na si Merlinda, sa pagkawala ng dalawa niyang anak sa kaniyang kaarawan at pagdiriwang din ng Pasko.
Ilang oras matapos ang pamamaril, naaresto ng mga pulis ang mga suspek at ang gunman na si Alyas “Bruno,” na umamin sa krimen.
Pinuri naman ni Police Colonel George Ylanan, OIC-director ng Cebu City Police Office, sa mabilis na paglutas sa krimen.
Nabawi rin ang baril na ginamit sa krimen, at sasampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek.—FRJ GMA Integrated News
