Nasawi ang isang babaeng rider, habang malubhang nasugatan ang kaniyang angkas matapos na mabangga ng truck ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Zamboanga City.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente nitong Miyerkules sa Barangay Quiniput.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing tinatahak ng motorsiklo at wing van truck ang parehong direksyon.

Nawalan umano ng kontrol ang driver ng truck kaya binusinahan nito ang motorsiklo ng mga biktima na nauuna sa kanila. Pero sa halip na tumabi o lumayo, nagbagal umano ito kaya nabangga ng truck.

Para tumigil ang truck, iginilid ito ng driver at bumangga sa puno.

Parehong sugatan ang dalawang sakay ng motorsiklo, at naipit pa sa truck ang paa ng rider.

Isinugod sila sa ospital pero idineklarang dead on arrival sa ospital ang rider.

Patuloy pa umanong nag-uusap ang mga sangkot sa insidente, ayon sa ulat.—FRJ GMA Integrated News