Nahuli-cam sa Lubao, Pampanga ang pagbangga ng isang elf truck sa likod ng isang dump truck na ikinasawi ng driver ng elf truck at sugatan ang kaniyang kasama.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Jose Abad Santos Avenue (JASA) na patungong Bataan.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang dump truck na bumagal ang takbo at tuluyang tumigil sa gitna ng daan para pagbigyan ang isang sasakyan na tumatawid.

Kasunod ng dump truck ang elf truck na nagtuloy-tuloy ang takbo hanggang sa bumangga sa likod ng dump truck.

“’Yung vehicle 1 natin which is ‘yung dump truck huminto siya pagdating sa isang corner dahil may lumabas na isang sasakyan. So, nag-give way siya after ilang seconds sumunod itong elf truck natin na hindi na sila nakapa-preno at nabangga niya ‘yung sa likuran na portion ng dump truck,” ayon kay Lubao Police Station Acting Chief Police Lt.Col. Dederick Relativo.

Isinugod sa ospital ang driver ng elf truck at kasama niya pero idineklarang dead on arrival ang una.

Wala pang pahayag ang mga kaanak ng mga biktima at iba pang sangkot sa naturang aksidente. – FRJ GMA Integrated News