Anim na bangkay pa ang nakuha sa pinangyarihan ng landslide sa Binaliw Landfill sa Cebu City para umakyat sa 26 ang kompirmadong nasawi sa trahediya.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "Saksi" nitong Huwebes, sinabing 10 pa ang hinahanap.

Naging maingat umano ang retrieval operation dahil na rin sa pag-ulan na pinapangambahan na muling magpaguho sa bundok ng mga basura.

Isa sa mga biktima ang asawa ni Julifer Villanueva.

"Kahit ayaw na niya, pinipilit pa rin niya magtrabaho kasi walang pera. Para sa mga bata," ani Julifer.

Ayon sa nakaligtas na si Fritz Villanueva, may pangamba na noon ang mga manggagawa sa masamang maaaring mangyari pero kailangan nilang magtrabaho.

"May kakulangan talaga sila, ma'am," ani Villanueva patungkol sa pamunuan ng landfill.

Si John Lloyd Ople na nakapagligtas ng ilang kasamahan, sinabing nag-abiso siya na umalis ang mga kasama sa kanilang puwesto pero walang nakarinig at wala rin silang radyo na pang-komunikasyon.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang Prime Waste Solutions tungkol sa alegasyon ng pagkukulang.

Nanawagan naman ng tulong ang mga may kaanak na nasawi.

"'Yung education ng mga anak, ba? Kasi, sino ba naman ang magpo-provide? Wala na yung breadwinner ng family," sabi ni Arlene Ople, na nawalan ng kapatid. —FRJ GMA Integrated News