Nahuli-cam ang salpukan ng isang motorsiklo at isang Sport Utility Vehicle sa Sarrat, Ilocos Norte. Ang rider ng motorsiklo, nasawi.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon, ipinakita ang kuha ng CCTV camera na napunta ang motorsiklo sa linya ng SUV kaya nangyari ang banggaan.

Tumilapon ang rider at nagtamo ng matinding sugat sa ulo na dahilan ng kaniyang pagkasawi.

Ayon sa pulisya, galing umano sa inuman ang biktima bago mangyari ang sakuna.

Sumuko naman sa pulisya ang driver ng SUV na wala pang ibinibigay na pahayag

Samantalang sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ng biktima, ayon pa sa ulat.

Sa Narvacan, Ilocos Sur, isang truck naman na may kargang mga semento ang bumangga sa puno sa Barangay Lungog kaninang umaga.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver ng truck sa pakurbang bahagi ng kalsada at saka sumalpok sa puno.

Bagaman nawasak ang harapan ng truck, nakaligtas naman ang driver.—FRJ GMA Integrated News