Apat ang nasawi at lima ang sugatan matapos magbanggaan ang isang jeepney at isang dump truck sa Luna, Isabela nitong Miyerkoles ng umaga. Sa tindi ng banggaan, nawasak ang jeep at natanggalan ng bubungan.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras,” sinabing 11 tao—kabilang ang isang bata-- ang sakay ng jeepney nang mangyari ang sakuna.
Sa CCTV footage, kapuwa mabilis umano ang takbo ng jeepney at ang truck na tila papaliko. Isang motorsiklo rin ang nadamay sa aksidente.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), lumalabas na nawalan ng kontrol ang driver ng truck sa sasakyan at madulas ang kalsada kaya nangyari ang banggaan.
Inatasan ng LTFRB ang kanilang regional office sa Cagayan Valley na magbigay ng tulong para sa insurance ng lahat ng biktima.
Naglabas din ng show-cause order ang ahensiya laban sa operator ng jeepney para alamin ang road worthiness ng sasakyan..
Samantala, nasawi naman ang isang rider matapos na masagasaan ng truck sa Antipolo, Rizal.
Ayon sa awtoridad, bumangga muna ang biktima sa mga barrier bago natumba at nagulungan ng truck.
Nasa kustodiya ng mga awtoridad ang truck driver na hindi nagbigay ng pahayag.
Nakatakda siyang makipag-usap sa pamilya ng biktima, ayon sa ulat. – FRJ Integrated News
