Nahuli-cam sa Barangay Tambo, Lipa, Batangas ang rambulan ng ilang rider na pinaiimbestigahan na ng Department of Transportation (DOTr) sa Land Transportation Office (LTO).

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News Saksi, makikita sa video footage ang isang lalaki na pinatutulungang gulpihin ng dalawang lalaki na may suot na helmet.

Sa isa pang video, makikita na dalawang lalaking nakasuot ng helmet na may hawak na pamalo ang sumugod sa tatlong lalaking na nakasuot din ng helmet.

Makikita rin sa viral video na may sinisirang motorsiklo ang isang lalaki.

Ayon sa ulat, hindi pa malinaw kung ano ang pinagmulan ng away ng mga rider.

Nakita na ng kalihim ng DOTr ang video at inatasan ang LTO na imbestigahan ang insidente upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga rider na sangkot sa gulo.

“Nakakalungkot na may ganitong klaseng tao pa rin na talagang so violent… If they are driver’s license holders, it appears na they are not, they’re an improper person to operate a motor vehicle. Yung mga ganitong ugali, mga ganitong gawain ay dapat talaga hindi binibigyan ng lisensya,” sabi ni DOTr Secretary Giovanni Lopez.

“Pagka sila ay sangkot sa ganitong napakabayolenteng gawain, pakikipag-away at mismong kalsada, kailangan nilang ipaliwanag. Kasi lumalabas na sila’y improper person to operate a vehicle… Yung ugali nila, kaugalian po nila. Pangalawa, pagkatapos ng pagdinig, maaaring masuspend ang kanilang licenses o ma-revoke,” dagdag niya. – FRJ GMA Integrated News