Nailigtas ng mga residente ang isang bagong silang na sanggol na nakalagay sa shopping bag at iniwang nakasabit sa gate na gawa sa kawayan sa Barangay Cabugao Sur sa Santa Barbara, Iloilo.
Sa ulat ni John Sala ng GMA Regional TV sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, sinabing isang mag-asawa ang unang nakadiskubre sa sanggol na babae nitong Martes ng gabi.
“Pagbukas namin nakangiti ang bata, gumagalaw siya, normal ang bata. Tapos kinabahan ang mga BHW [barangay health worker], nagdesisyon na lang na dalhin sa sentro,” ayon sa barangay tanod na si Ernesto Latoza Jr.
Dinala ang sangkol sa health center at saka inilipat sa Western Visayas Sanitarium and General Hospital para subaybayan ang kaniyang kalusugan.
Hinala ng pulisya, posibleng dayo ang nag-iwan sa sanggol at wala raw nakatala sa lugar na buntis o malapit nang manganak bago ang pagkakatuklas sa bata.
Walang CCTV camera sa lugar kaya magiging mahirap umano ang pagtukoy sa kung sino ang nag-iwan sa sanggol.
Ang mga sangkot sa ganitong insidente, ayon sa pulisya ay maaaring makasuhan ng paglabag sa RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. – FRJ GMA Integrated News
