Isang 35-anyos na assistant detachment commander ng Philippine Army ang nasawi matapos siyang pagbabarilin ng tatlong miyembro ng CAFGU Active Auxiliary (CAA) na kaniyang sinita dahil sa pag-iinom ng mga ito. Depensa ng mga suspek, hindi nila ito sinadya at hindi nila target ang biktima.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nakabulagta na ang biktima nang matagpuan sa may batuhan sa Patrol Base Macaingalan ng Philippine Army sa Barangay Puray, Rodriguez, Rizal madaling araw nitong Miyerkoles.

Ang biktima ay miyembro ng 80th Infantry Battalion ng 21st Division ng Philippine Army, ayon sa pulisya.

Lumabas sa imbestigasyon ng Rodriguez Police na sisitahin lang ulit ng assistant detachment commander ang tatlong mga miyembro ng CAA na madalas mag-inuman nang bigla na lamang siyang pinagbabaril ng mga ito.

“Bago ho niya sitahin, pinaputukan na po siya ng issued firearms ng suspek. 'Yung ginamit na baril ng ating suspek is 'yung issued firearms niya na M16 at sa dalawa po, lumalabas na ginamit po rin itong pagpapatok ng kanilang issued firearms na M14. Marami hong tama ng bala, halos buong magazine,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Arwyn Gaffud, Chief ng Rodriguez Police.

Dead on the spot ang biktima, samantalang nagkalat sa crime scene ang mahigit 20 mga basyo ng bala.

Ayon sa pulisya, nagkimkim ng galit ang mga suspek sa biktima na humantong sa kanilang pamamaril.

“May mga insidente po na sinita ng assistant detachment commander 'yung suspek, nakailang araw at siyempre dinisiplina, binigyan po ng punishment as part of the infraction na ginawa nu’ng CAA. Kinimkim po siguro 'yung pagdidisiplina sa kaniya, sama ng loob at nagkaroon ng pagkakataon dahil base sa imbestigasyon lumalabas na under the influence of liquor po 'yung supek, so ‘yun binaril po 'yung biktima,” sabi pa ni Gaffud.

Mismong mga kabaro ng mga suspek ang saksi at nag-ulat sa pulisya ng insidente.

Dumating ang mga rumespondeng pulis at nadatnang mga tulog at nakainom ang mga suspek sa kanilang kubo.

Dinakip ang 27-anyos na bumaril sa sundalong biktima, pati na ang dalawa niyang kasama sa pamamaril.

Nakumpiska sa mga suspek ang mga ginamit na baril, kabilang ang M16 rifle.

Sinabi ng suspek na si alyas “Pri,” nakainom din umano ang commander nila nang lapitan sila para sitahin ang kanilang inuman.

“‘Di sana ‘yun sinasadya ma’am. Ang gusto niya rin kasi mangyari, ipaalam sa kaniya 'yung pag-iinom. Lasing din siyang nagsabi, nag-iinom din siya. Nabigla lang po ma’am, hindi naman talaga target ma’am,” sabi ni alyas “Pri.”

“Sobrang nagsisisi talaga ma’am. Humihingi ako ng taos pusong pasensiya sa nangyari na hindi naman kagustuhan,” dagdag pa ng suspek.

Ang dalawa niya namang kasama, dumepensang hindi nila tinarget barilin ang biktima.

“Kasi akala namin hinarass 'yung kampo kaya kami nagpaputok. Du’n lang po kami sa kubo namin eh, hindi naman du’n sa tao 'yung ano namin na pinatamaan,” sabi ni alyas “Jo.”

“Akala ko may kalaban po kaya nagpaputok ako pero du’n lang sa loob ng kubo ko rin, nakadapa lang ako kasi takot nga akong makalabas,” sabi ni alyas “Sam.”

Nakabilanggo sa Rodriguez Police Custodial Facility ang mga suspek, na mahaharap sa mga kasong murder at illegal discharge of firearms. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News